Sinong tatay ko?!
Dahil hindi ako predictable kaya ko napili itong aking featured utaw. Hindi dahil undas kaya ko naisip na i-feature siya ha. Hindi talaga. Pramis.
Para sa aking 2nd featured utaw, ang responsable kung bakit may divang kagaya ko sa mundong ito, ang donor ng semilyang bumuo sa akin, ang unang chumukchak sa mother diva, ang former haligi ng aming nakakalokang tahanan walang iba kundi si…
MARIO aka BALOT aka KA MARIO aka MARIONG HUBAD
Ang aking papu, pudra, padir, tatay, daddy, papa, ama, father.
Hindi ko alam kung anong atake ba ang gagawin ko sa entry na ito dahil hindi ko alam kung paano ko ikukwento ang pinakanamimiss kong tao sa buhay ko ng hindi nagiging masyadong madrama. Ayoko namang alalahanin si daddy ng may lungkot pa din at gusto kong bigyan siya ng bonggang tribute. Sige na nga, wiz na’ko mag-isip pa ng style o diskarte basta magkukwento na lang ako.
Grade 3 lang ang naabot ng tatay ko na lumaki sa pagbubukid, hindi ko talaga alam kung choice ba niya talaga yun para makatulong sa kanilang quite big na family. Sampu kasi silang magkakapatid, alam niyo naman noong araw paggawa ng baby ang libangan, at pangalawa sa panganay ang tatay ko. Hindi malinaw sa akin kung bakit ang tatay ko hindi na nagpatuloy sa pag-aaral, 8 out of 10 sa kanila nakatapos. Feeling ko hindi naman talaga niya gusto yun, kasi matalino ang tatay ko. Hindi mo magugulangan sa Math yun kahit na hirap siya magsulat at magbasa hindi naman siya papatalo pagdating sa Math. Siguro naging isang magaling na Engineer ang tatay ko kung sakali.
Bukod sa saksakan ng hilig sa pulitika ang tatay ko sa kanya ko yata namana ang pagiging korni patawa. Madaming jokes at kwentong barbero na minsan nagsasawa na kami kasi paulit-ulit niya kinukwento. Akala niya kasi sa jokes niya kami natatawa pero ang totoo sa kanya kami natatawa, para kasing 5000x inire ng lola ko sa kulit. Hindi din papatalo sa debate, weird na words of wisdom at nakakalerky na teyorya.
Nung nakilala niya ang mother diva which is my mudra duon nagsimula ang kaniyang adventures at misadventures. Naging negosyante ng sandamukal na kung ano-ano - bakery, bigasan, magtsitsinelas, magbababoy, Gen. Merchandise, magsasabon, maggugulay at kung ano-ano pa. Hindi ko na nga matandaan kung ano ang pagkakasuno-sunod nun, kahit madaming downs hindi ko siya kinakitaaan ng pagsuko.
Naging sugarol, mag-iinom at magsasabong din ang tatay ko. Hindi naman siya dumating sa punto na kailangan siyang ipa-counseling ng mudra ko kasi bago lumala ang lahat e nakukuha naman sa constant na panggigiyera ni mudra. Masyadong inenjoy ni padir ang buhay kaya ayun maaga nag-retire, nagkabarabarado ang heart, he died at the age of 52 barely 3years ago.
Sa totoo lang wala naman talaga akong maibabahaging remarkable pagdating sa pagiging tatay niya, kasi hindi siya tipikal na tatay. Hindi din kami close at hindi din ako naging daddy’s girl kagaya ng iba, wala din kaming masyadong bonding moment at higit sa lahat hindi kami madalas mag-usap. Pero si papu ang pinakamalaking impluwensiya kung bakit siguro lahat kaming mga anak niya independent at may sariling desisyon sa buhay.
Kaya ko matanggap ang imperfection sa mundong ito dahil lumaki ako sa imperfections ng tatay ko, pero hindi ibig sabihin nun nabawasan ang pagmamahal ko sa kanya kahit pa na siya ang epitome ng pagiging chauvinist at madalas siyang mang-steroetype ng tao, hindi naging impluwensiya yun para maging ganun din kaming nilalang. Siguro kasi nakakatawang nakakatuwa ang dating ng flaws niya sa amin. Masyado lang sigurong charming ang papu ko na wala namang dudang sa akin niya ipinamana.
Kahit minsan hindi kami nagsabihan ng “mahal kita” o “I love you” pero hindi nangangahulugan na salat kami sa pagmamahal. It’s in silence that he expressed his love.
Habang buhay ko na mamimiss si daddy. Iba talaga ang buhay when he is around, but then ayaw din naman niyang para kaming tanga na hindi makapag-move on dahil lang sa pagkawala niya. Baka nga mapamura pa iyon pag hindi kami umayos ng diskarte. Wala na si Mario, pero buhay na buhay siya sa puso namin.

Daddy,
Masaya akong ako ang nakakita ng huli mong ngiti na parang nakakaloko ng sabihin ng bantay ng katabi mong pasyente na ang ganda ko at kamukha kita. Masarap sa pakiramdam na ang ka-divahan ko ang nakapagpangiti sayo, hindi ko nga alam dy kung sa dahil hirap ka na ng mga oras na yun kaya hindi kana nakakontra. Lab kita daddy at sana huwag mong maisipang bisitahin ako dahil busy ako lately.
Lab,
Jojie

diva. 80% babae - 20% bakla. echosera. mahadera. blue curlers. komikera. gandang walang maliw. chovarloo addict. chism person. world peace enthusiast. 1 3/4's na OA. stressed-out poreber. spontaneously sweet. walking disaster. mishaps princess. with golden heart. poreber inlabs. sorta-kinda-medyo feeling goddess. girl-next-window. reyna ng tralala.
selvo
on October 27th, 2007
sweet nun marekoy ah… ikaw na yata ang pinakakalog na marekoy ang nakilala ko pero ang pagkakalog mo ay punong puno ng tamis na nakaka diabetes. i’m sure tuwa ang tatay mo sayo at proud na maganda ang anak nya (di na rin sya pwede kumontra).
maraming parallels ang tatay ko at tatay mo. smile naman jan marekoy
replytsina